Chapter 9
“YOUR DESIGNS are really fantastic! I can’t wait to see my daughter’s wedding dress designed by you, Selena.”
“Thank you, Mrs. Lim.” Sinikap ngumiti ni Selena sa ina ng isa sa kanyang mga kliyente bago siya magalang nang nagpaalam rito. Nagpunta siya sa
isang sulok sa mansyon ng mga Trevino kung saan mas kakaunti ang mga tao. Birthday ng araw na iyon ni tita Leonna, ang ina nina Adam at Dean
at ngayon na lang ito muling nagkaroon ng engrandeng party. Dahil sa nakalipas na mga taon simula nang ma-comatosed si tito Bernardo ay naging
pribado na lang ang mga selebrasyon sa mansyon ng mga Trevino.
Pero ngayon raw ang taon para sa mga selebrasyon, ayon na rin kay tita Leonna lalo pa at ilang bwan na lang ay ikakasal na raw sila ni Adam.
Mahigit tatlong linggo na ang nakararaan simula ng naging pagtatalo nila ni Adam sa restaurant. Hindi pa nagagawang aminin ni Selena sa mga
magulang ang totoong sitwasyon nila ng binata.
Sinadya ni Selena na magpahaging minsan lalo na sa kanyang ama na nagkakalabuan na sila ni Adam pero kampante itong maaayos raw nila ng
binata anuman ang pinagdaraanan nila. Iginiit nitong anuman ang mangyari ay dapat matuloy pa rin ang kasal nila ni Adam patunay na roon ang
patuloy pa ring wedding preparations nila.
Mukhang kahit si Adam ay wala pa ring inaamin sa ina nito. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakikita ni Selena na nag e-exert na kahit paano ng
effort ang binata para sa kanila. Ilang ulit itong dumalaw sa bahay niya pero hindi niya ito nilabas. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito tumitigil sa
pagtawag sa kanya kahit pa hindi niya na sinasagot ang mga iyon.
Napahugot si Selena ng malalim na hininga. Hangga’t maari ay ayaw niya na muna sanang makipagkita sa mga Trevino, lalo pa kay Adam. Pero
parang nakaramdam ang kanyang mga magulang lalo ang kanyang ama. Sinadya pa siyang daanan ng mga ito sa kanyang bahay para sabay-sabay
na raw silang magpunta sa mansyon. Pero pagkarating roon ay sinadya niya ring lumayo sa mesa ng mga magulang. Nagkunwari siyang nag-iikot sa
paligid. Dahil sigurado siya na anumang oras ay lalapit sa mesa nila ang mga Trevino at muling mag-uungkat ng tungkol sa preparasyon sa kasal.
Muling napabuntong-hininga si Selena. Kumuha siya ng isa sa mga wine glasses sa hawak na tray ng nagdaang waiter at marahang sumimsim roon
bago nababagot na iginala ang mga mata sa napakalawak na hardin ng mansyon. Hanggang sa sala niyon ay may mga tao, mga tao na sa pagdaan
ng panahon ay napapagod na siyang harapin, mga tao na puro negosyo at kung paano pa mas magkakamal ng mas maraming salapi at
kapangyarihan ang pinag-uusapan, mga tao na ginagawang basehan ang pinagmulan at katungkulan ng kapwa bago pakitunguhan ng mga ito.
Hindi kaila kay Selena ang mga negatibong sinasabi ng mga ito patungkol kay Dean, isang bagay na sa nakalipas na mga taon ay parating
nakapagpapainit ng ulo niya. Hindi magawang tanggapin ng mga ito na nakapasok ang isang tulad ni Dean sa sirkulo ng mga ito. Mga matapobre
ang mga ito, mga napakatataas ng tingin sa sarili na akala mo kung sino na para bang hindi niya pa alam na ang ilan sa mga ito ay mga gold diggers
naman. At saka para namang gugustuhin ng tulad ni Dean na mapabilang sa mga ito.
Geez. Kahit si Selena ay isinusuka ang sirkulong iyon, ang pinagyayabang ng mga itong mundong iyon. Ni hindi niya alam kung paano iyon
nasisikmura ng mga magulang. Siguro ay nakasanayan na lang ng mga ito ang ganoon pero siya ay hindi at sa palagay niya ay hindi siya kailanman
masasanay.
Agad na napahinto si Selena sa pag-inom ng alak nang mamataan ang kanina pa hinahanap. Magkasunod na dumating ang magkapatid sa
mansyon. Si Adam ay nakaitim na amerikana habang nakasuot naman ng asul na amerikana si Dean. Parehong walang itulak-kabigin sa kakisigan
ng mga ito. Pero sa kung anong dahilan ay sa iisang partikular na tao lang tumutok ang atensyon niya.
Para bang sandaling nagkaroon ng bara sa kanyang lalamunan. Dean...
Sa nakalipas na mga araw ay ang mga tawag at text messages lang ni Dean ang tinatanggap ni Selena. Ito din lang ang hinahayaan niyang
makabisita sa kanyang bahay o opisina. Araw-araw silang nagkikita nito maliban sa araw na iyon. Gustong-gusto niyang naririnig ang boses ng
binata.
Bumibilis ang tibok ng puso niya marinig lang ang boses nito. Hindi na naulit pa ang paghalik nito sa kanya simula nang umamin ito ng
nararamdaman para sa kanya. At nakakahiya mang aminin pero hinahanap-hanap niya ang halik na iyon. Gusto niyang... maulit muli iyon.
Nanatili ang mga mata ni Selena kay Dean. Muling bumilis ang tibok ng puso niya. Parehong magaling magdala ng sarili ang magkapatid. Si Adam
madalas kung maglakad ay para bang siguradong-sigurado sa lulugaran nito, sigurado sa gagawin nito. Habang si Dean naman ay simple lang na
para bang iniiwasan ng husto na makaagaw ng atensyon na siyang malabong mangyari dahil sa gandang lalaking taglay nito. Kahit ang mga
kababaihan ay natahimik nang dumating ang magkapatid at sa dalawa na lang nakatuon ang mga mata.
Pinagmasdan ni Selena si Dean kung paano nito dalhin ang sarili sa mapagpanggap na sirkulong iyon. May matipid itong ngiti para sa lahat ng
nadaraanan. Noon niya na-realized kung gaano siya kaswerte. Dahil sa dinami-rami ng tao ay lumalabas na siya lang ang hinahayaan ng binata na
makakita ng buong-buo na ngiti nito.
Naglakad sina Dean at Adam papasok sa mismong loob ng mansyon na sa palagay niya ay para batiin ang ina ng mga ito at para iabot ang dalang
mga regalo. Pagkaraan lang ng ilang minuto ay lumabas si Dean na para bang may hinahanap. Hindi nagtagal ay nagtama ang kanilang mga mata.
Hindi nakaligtas kay Selena ang pangingislap ng mga mata ng binata. Para bang sandali itong nag-alinlangan bago ito naglakad palapit sa kanya.
Hindi na tumigil sa malakas na pagkabog ang kanyang dibdib. Habang naglalakad ito ay nabigla siya sa iba pang mga nakita niya kasabay ng
pagdagsa ng mga realisasyon sa sistema niya.
“Hello there, princess. You look... breathtaking tonight.” Pabulong lang halos na sinabi ni Dean para makasiguro na walang ibang makakarinig.
Nakasuot si Selena ng simpleng puting gown na humahakab sa kanyang katawan. Sleeveless iyon at nagpalitaw ng malaking bahagi ng kanyang
likod. Isa iyon sa mga disenyo niya na higit na naging kapansin-pansin dahil nakatali pataas ang kanyang buhok. Mula pa nang dumating siya sa
party ay ilang ulit na siyang nakatanggap ng mga humahangang tingin mula sa mga kalalakihan. Ilang ulit na rin siyang nakatanggap ng mga papuri
pero iba ang dating sa kanya nang si Dean na ang mismong pumuri sa kanya.
Ilang sandaling hindi nakapagsalita si Selena. Tinitigan niya lang ang binata, hindi makapaniwala sa nararamdaman. Bigla ay napakarami niyang
gustong sabihin. Gusto niyang tawirin ang natitirang distansya sa pagitan nila at yakapin si Dean ng mahigpit na mahigpit. Pero hindi pwede. Lalo pa
ngayon na damang-dama niya nang unti-unti ay naaagaw na nila ang atensyon ng mga bisitang naroroon.
“I...” Nag-alis ng bara sa lalamunan si Selena bago nakuhang sumagot. “I think I need to go home now.”
Naglaho ang kinang sa mga mata ni Dean.
“But be sure to follow as fast as you can.”
Pakiramdam ni Selena ay nadagdagan ang liwanag at kislap ng buong paligid nang makita niya ang muling pagkinang ng mga mata ni Dean.
HALOS dalawang oras din ang lumipas bago natanaw ni Selena ang paparating na kotse ni Dean. Nauunawaan niya na bilang miyembro ng mga
Trevino ay hindi magiging madali para sa binata ang basta na lang makaalis roon hindi gaya niya.
Nagdahilan na lang si Selena sa mga magulang para makaalis ng maaga sa party ni tita Leonna. Nagprisinta si Adam na ihatid siya pero mabilis
siyang tumanggi. Pero bago iyon ay ipinaalam niya sa binata na kailangan nilang mag-usap ng masinsinan sa mga susunod na araw na kaagad
namang sinang-ayunan nito.
Huminto sa tapat ng gate ng bahay niya ang kotse ni Dean. Nang bumaba ang binata roon at nakita kaagad ni Selena ang pamilyar na ngiti nito para
sa kanya ay nagsimulang mag-init ang mga mata niya. The signs were there all these time. Hindi niya nga lang iyon kaagad na napansin dahil
masyado siyang nasanay na si Adam lang ang laman ng puso niya. Masyado siyang nakulong sa ilusyon ng mangyayaring kasal nila ni Adam.
Bukod pa roon, bata pa lang si Selena ay itinatak na ng kanyang ama sa isip niya na si Adam ang lalaking pakakasalan niya. At sa pamilya niya ay
isang batas ang bawat sabihin ng ama. It was clear to her that she was forbidden to look at any other man anymore. Dahil nakatali na siya. Kaya
kahit pa may iba nang kumakatok sa puso niya ay nahirapan siyang i-acknowledge agad iyon lalo pa at si Dean ang kumakatok na iyon dahil alam
niyang magiging isang pagsuway para sa kanya ang gawin iyon.
Pero ngayon ay hindi na kaya ni Selena na magbingi-bingihan sa idinidikta ng kanyang puso, puso na kung tutuusin ay matagal nang
nakapagdesisyon. Hindi niya alam kung kailan iyon nagsimula. Baka noong birthday niya, noong nakipagkita siya kay Dean sa sementeryo, noong
unang beses na halikan siya nito o noon pang mga nakaraang bwan o taon na ang binata ang siyang kasa-kasama niya sa halip na si Adam, noong
ito ang umaaliw sa kanya noong mga panahong lungkot na lungkot siya o noong mga panahon na inaalalayan siya nito at tahimik na umaalo sa
kanya sa tuwing pinaghihintay siya ni Adam. Hindi niya eksaktong masabi.
Pero malinaw na sa kanya ngayon ang lahat dahil mas naging attentive na siya sa nararamdaman. Totoong minahal ni Selena si Adam. Pero hindi na
ito ang nakakapagpatibok ng puso niya, ng puso niyang nasaid na nito, ng puso niyang paunti-unti ay nagawang alalayan ni Dean, ng puso niyang sa
kabila ng lahat ay ganoon na lang katindi ang saya ngayon sa kaalamang sa wakas ay nagmamahal ito at minamahal na rin ito.
“Selena-“
Agad na ginawa ni Selena ang kanina niya pa gustong gawin kay Dean noong nasa party pa sila. Marahang niyakap niya ang binata. “I saw you
walking towards me back at the party and I saw something else.”
“What?” Nagtatakang tanong ng binata bago gumanti rin ng yakap sa kanya.
“I saw happiness, Dean. I saw love. I saw the promise of the beautiful things. Gusto mong malaman ang sagot ko, ‘di ba? Heto na ‘yon.” Pumiyok ang
boses ni Selena. “Hindi ko alam kung paano nangyari o kung kailan eksakto nagsimula pero Dean, mahal rin kita. Mahal na mahal rin kita. That’s why
I’m asking you to hold on.”
“Oh, God.” Bahagyang humiwalay kay Selena si Dean at siya naman ang pinakatitigan sa pagkakataong iyon na para bang naniniguro. “Am I really
hearing things right?”
Sunod-sunod na tumango si Selena. “Hindi ito magiging madali para sa ating dalawa, Dean. Dahil marami tayong kailangang harapin. But we’re in
this together. Maninindigan tayo. Lalaban ako para sa ‘yo.” Determinadong wika niya pero mayamaya lang ay biglang nagkaroon ng pag-aalinlangan
sa kanyang puso. “But will you fight for me, too?”
“Always, princess.” Emosyonal na sagot ni Dean bago siniil si Selena ng halik sa mga labi. “Always. Naghihintay lang naman ako ng go signal mula
sa ‘yo kung lalaban ako. At ngayong nakumpirma ko na, umasa kang itutuloy ko na ‘to. I love you way too much that I’d fight for you whatever it would
take.”